Hanggang sa Muli...

Kagabi, naranasan kong pagsakluban ng langit at lupa. Muli ko na namang namalas ang pait ng tadhana. Marahil iyon na siguro ang pinakamapait na hagupit sa aking tanang buhay. Sa pagkakataong iyon, sa hindi ko mawaring dahilan, para akong nawalan ng hininga.

Mahigit apat na taon kong hinintay ang iyong pagdating. Sa di inaasahang pagkakataon, di ko lubos maisip kung papaano ka dumating sa aking buhay. Sa tinagal-tagal na panahon, pinag-alab mong muli ang pusong matagal nang nahihimlay. Pinukaw mo ang tigang na damdamin. Nagdulot ka ng mga ngiti sa aking labi. Ikaw ang nagbigay inspirasyon at siya ring nagbigay kulay sa maputla kong nakaraan.  Ngunit ang lahat ng ito ay pawang panandalian lamang.

Sadyang ang natatanging bagay sa mundo na di magbabago ay ang pagbabago. Sadyang naging mapaglaro sa akin ang tadhana. Ang akala kong akin ay hiram lang pala. Pinilit kong baligtarin ang kung anumang dinidikta ng tadhana subalit ako ay nabigo.

Masakit marinig ang mga katagang hindi ka na masaya. Sa aking pagkakaalam, ginawa ko ang lahat ng aking makakaya para ipadama ang aking pagmahahal, malayo man o malapit sa piling ng isa’t isa. Subalit ako ay nagkamali dahil hindi pala iyon naging sapat.

Pumayag ako sa kagustuhan mong humayo tayo at harapin ang ating sariling pakikibaka. Kung ito ang nais mo, kahit sa huling sandali pinilit kong unawain ka. Hindi ako nagkibit-matang palayain ka.

Kung darating man ang panahong magbago ang ihip ng hangin, ako’y naririto lamang at bukas ang kamay na salubungin ka. At nawa sa pagkakataong iyon, maging bukas na ang ating isipan. Hanggang sa muli…

0 comments:

Post a Comment

 

Design By:
SkinCorner